ANG ALAMAT NG ULAN

 Noong unang panahon sa malayong nayon ay may nanininirahang batang babaeng nagngangalang Luna. Si luna ay napakaganda at ubod rin ng bait, Masaya siyang naninirahan kasama ang kaniyang pamilya sa kanilang malapalasyong tahanan. Kilala ang kanilang pamilya 'di lamang dahil sila ang pinakamayaman kundi dahil na rin sa ipinapakita nilang mabuting kalooban. Si Luna ang nag-iisang anak ng mag-asawang Ula at An kaya naman napalaki nila ito ng may takot sa Diyos at butihing kalooban.

Madalas ang pagkakaroon ng tagtuyo sa kanilang lugar kaya napaka rami ang laging nagugutom. Sa pag-baha (o kaya high tide) lamang sila umaasa. Sa panahon ng taggutom, ang pamilya nila ang nagsisilbing sandalan ng mga taong naghihirap sa nayon. Sobra sobra pa ang kanilang mga ani tulad ng palay kaya marami silang naitatagong mga pagkain.

Isang araw ay nagkaroon ng hindi inaasahang pangyayari ang buong baryo. Habang naglalakbay ang ama ni Luna na si Ula upang magbigay tulong sa kabilang nayon ay aksidenteng nabangga ang sinasakyan nito sa isang malaking bato na kaniyang ikinamatay. Nagulat at nalungkot ang lahat sa biglaang pangyayaring ito. Halos isang linggo bumalot ang katahimikan sa naturang baryo.

Hindi na nakayanan ni An ang kaniyang nadaramang depresyon. Makalipas ang dalawang buwan ay tuluyan na siyang nagkaroon ng sakit sa pag-iisip. Marami ang gustong mag-alaga sa kaniya ngunit tanging si Luna lang ang kaniyang pinapakinggan. Masaya namang pinaglingkuran ni Luna ang kaniyang ina habang ipinagpapatuloy ang pagtulong sa mga taong mahihirap.

Nang dahil sa murang eded, hindi alam ni Luna kung ano ba ang dapat niyang gawin. Nahihiya siyang humingi ng tulong sa ibang tao sa takot na mapahiya kaya inililihim niya nalang ang kaniyang pag-hihirap. 'Di nagtagal ay nawalan siya ng pag-asa at tiwala sa Diyos. Araw araw na siyang umiiyak at nagwawala sa kaniyang silid. Nakalimutan niya nang tumulong. Pati na rin ang sariling ina ay napabayaan na hanggang sa dumating ang araw na namatay ito ng dahil nga sa kaniyang pagpapabaya

Ang pangyayaring ito ang gumising sa pagkawala ni Luna sa kaniyang sarili. Naisip lang niya na kung hindi siya nagkulong sa kaniyang silid at hinarap nalang ang mga problema, ay hindi magyayari ang mga bagay na ito. Pinilit niyang tumayo sa pagkakahiga sa kama ngunit masyado na siyang mahina.

Tumingala na lamang siya at nanalangin. Hiniling niya sa Panginoon na sana makatulong pa rin siya kahit siya ay wala na. Nagkaroon saglit ng napakaliwanag na liwanag ng matapos niyang masambit ang mga katagang iyon. Maya maya pa'y may bumubuhos nang malakas na tubig na nagmumula sa kalangitan. Kaya nagtaka ang lahat sa nangyari hanggang sa napansin nila na wala na si Luna sa kaniyang silid.

Madalas na bumubuhos ang tubig mula sa kalangitan simula noong araw na iyon kaya hindi na kailanman nagkaroon ng tagtuyo sa kanilang nayon. Tinawag ng mga tao ang tubig na nagmumula sa kalangitan na "Ulan" na nanggaling sa pinaghalong pangalan ng mag-asawang Ula at An at pinag-lipat lipat na titik ng pangalan ni Luna. Sa tulong ng ulan ay masagana nang namumuhay ang lahat ng tao.










Comments

Post a Comment